Rodriguez, Rizal – Trahedya ang sinapit ng isang 34-anyos na guro matapos umano siyang saksakin hanggang sa mapatay ng kanyang sariling asawa dahil sa pinaniniwalaang post sa Facebook.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Ann”, habang ang suspek ay ang kanyang mister na si alyas “Herson”, 37 taong gulang at isang barbero.
Ayon sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente sa Brgy. Mascap sa bayan ng Rodriguez, Rizal. Nagsimula umano ang pagtatalo ng mag-asawa habang sila’y nagkakape, nang magkaroon sila ng mainit na diskusyon ukol sa isang hindi pinangalanang post sa Facebook.
Sa tindi ng galit ni Herson, ibinuhos nito ang kape sa kanyang asawa at agad na sinaksak nang ilang ulit.
Nagtamo ng malubhang sugat ang biktima at agad na binawian ng buhay sa mismong loob ng kanilang tahanan.
Matapos ang krimen, tumakas si Herson ngunit kalaunan ay sumuko sa mga awtoridad sa tulong ng isa niyang kamag-anak.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang buong motibo ng krimen, habang inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa suspek.














