Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatayo ng karagdagang 40,000 silid-aralan sa buong bansa bago matapos ang kanyang termino.
“Katuwang ang pribadong sektor, sisikapin nating madagdagan pa ng 40,000 na silid-aralan bago matapos itong administrasyon. Maglalaan tayo ng sapat na pondo dito alang-alang sa ating mga mag-aaral,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa ni Marcos, hihilingin niya ang buong suporta ng Kongreso upang matustusan at maisakatuparan ang nasabing plano.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), kasalukuyang may kakulangan na humigit-kumulang 165,000 silid-aralan sa buong bansa—isang isyung matagal nang hinaharap ng sektor ng edukasyon sa Pilipinas.














