Iniulat ng Department of Education (DepEd) Region VI na kulang ng humigit-kumulang 5,000 silid-aralan ang buong Western Visayas sa pagbubukas ng School Year 2026–2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mr. Hernani Escullar Jr., Public Affairs Officer ng DepEd Region VI, sinabi nito na kabilang ito sa mga problemang kinakaharap ng rehiyon, ngunit hindi na ito bagong isyu dahil isa rin itong suliraning nararanasan sa buong bansa.

Noong 2024 pa lamang, tinatayang nangangailangan na ang Western Visayas ng mahigit 14,000 karagdagang silid-aralan upang makasabay sa dami ng mga mag-aaral sa rehiyon.

Sa kabila ng kakulangan, tiniyak ng DepEd na hindi ito magiging hadlang sa pag-aaral ng mga estudyante.

Binanggit ni Escullar ang mga hakbang na ginagawa ng mga school head sa iba’t ibang paaralan tulad ng paggamit ng local resources at pagpapatupad ng flexible space-management strategies.

Kabilang dito ang paggamit ng mga bakanteng silid o conference room, open spaces, at iba pang hindi gaanong nagagamit na pasilidad sa paaralan na maaaring gawing pansamantalang lugar para sa pag-aaral.

Kung masyado nang marami ang bilang ng mga mag-aaral, maaari ring ipatupad ang multi-session schedules o paghahati ng mga klase sa umaga at hapon upang mas mapakinabangan ang paggamit ng isang silid-aralan.

Sinabi rin ni Escullar na patuloy ang regional office sa pagsusumite ng ulat tungkol sa kakulangan ng mga pasilidad at sa pag-follow up ng mga concern sa national office.

Inaasahan din na makatutulong sa paglutas ng problema ang memorandum of agreement o MOA na nilagdaan ng DepEd at ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang iba’t ibang Local Government Units (LGUs), upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan.

Batay naman sa paunang enrollment database ng DepEd Western Visayas, mahigit 740,000 na mag-aaral na ang nakapag-enroll para sa bagong school year na nagsimula ngayong araw, Hunyo 8.#