Nagpaalala ang Office of Civil Defense (OCD) Western Visayas sa publiko na makiisa at lumahok sa isasagawang sabayang earthquake drill ngayong buwan.
Ang panawagan ay kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Lunes nang umaga na naramdaman din sa ilang bahagi ng Visayas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Regional Director Raul Fernandez, sinabi nito na maaaring maganap ang lindol anumang oras at walang babala.
Aniya, hindi ligtas ang Western Visayas sa malalakas na lindol dahil sa Negros Trench at West Panay Fault na maaaring pagmulan ng malakas na pagyanig.
Ipinaalala rin niya ang nangyaring “Lady Caycay” earthquake noong Enero 1948 na itinuturing na isa sa pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng Pilipinas at nagdulot ng matinding pinsala sa malaking bahagi ng Panay Island, partikular sa mga lalawigan ng Antique at Iloilo.
Aniya, dahil dito, mahalagang magkaroon ng sapat na kaalaman, manatiling kalmado, at seryosohin ang pakikilahok sa mga earthquake drill.
Nakatakda sa Hunyo 18 ang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahandaan sa lindol.
Isinasagawa ang mga drill na ito kada tatlong buwan sa bansa bilang paghahanda ng mga ahensya at ng publiko laban sa banta ng tinatawag na “The Big One” o ang posibleng magnitude 7.2 na lindol.
Sa mga nakalipas na drills, nagsagawa ng full-scale exercises na sumasaklaw sa iba’t ibang senaryo tulad ng aerial damage assessment, pagtugon sa mga insidente ng hazardous materials, search and rescue operations sa mga gumuhong istruktura, jailbreak scenarios, vehicle extrication, at paglikas ng mga mag-aaral na may learning difficulties.#














