Suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang gawing bukas sa publiko ang deliberasyon ng bicameral conference committee (BICAM) kaugnay ng 2026 proposed national budget.
Ayon kay Undersecretary Claire Castro, tagapagsalita ng Malacañang, nais ng Pangulo na maging mas transparent ang proseso upang masiguro ng taumbayan na ang pondo ng bayan ay hindi nasasayang o naaabuso.
Sa kanyang ika-tatlong State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ni Pangulong Marcos na handa siyang i-veto o i-basura ang 2026 national budget kung makakakita siya ng anumang iregularidad o anomalya.
“Kung magpapatuloy ang mga maanomalyang insertion sa budget, seryoso ang Pangulo sa posibleng pag-veto nito,” ani Castro.
Dagdag pa niya, pinagpaguran at dumaan sa masusing pagsusuri ang National Expenditure Program para sa 2026, kaya’t hindi dapat ito gawing kasangkapan ng ilang mambabatas para sa pansariling interes.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi dapat abusuhin ng Kongreso ang kanilang “power of the purse” — ang kapangyarihang magtakda kung saan ilalaan ang pondo ng bayan.














