Isang sawa na may dalawang metro ang haba ang nagpakita kasabay ng paggunita ng Undas sa isang sementeryo sa Iloilo City.
Natagpuan at nahuli ito ng isang maintenance personnel sa Forest Lake Memorial Park sa Mandurriao matapos itong gumapang sa likod ng isang mausoleo.
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Vicente Garbosa, hepe ng Fire Engine Company–Mandurriao Fire Station, na-turn-over sa kanila ang ahas at kalaunan ay ibinigay naman ito sa Urban Search and Rescue teams (USAR).
Wala namang taong nakagat ng naturang ahas.
Nagpatuloy naman nang maayos at matiwasay ang mga aktibidad sa naturang sementeryo, gayundin sa iba pang mga lugar sa Iloilo.
Nabatid na halos 4,000 law enforcers at force multipliers ang na-deploy ngayong Undas sa buong Western Visayas, kabilang na ang 2,756 organic members ng Philippine National Police.














