Nagbanta si dating U.S. President Donald Trump na magpapatupad ng karagdagang 10% na taripa sa mga bansang magsusulong o kakampi sa grupo ng BRICS ng alyansa ng Brazil, Russia, India, China, at South Africa na tinawag niyang tagapagtaguyod ng mga “Anti-American policies.”
“Any country aligning themselves with the Anti-American policies of BRICS, will be charged an ADDITIONAL 10% Tariff. There will be no exceptions to this policy. Thank you for your attention to this matter!,” ayon sa naging pahayag ni Trump sa kanyang Truth Social account.
Ang pahayag ay ginawa ilang oras lamang matapos buksan ang BRICS summit na ginaganap sa Brazil, na dinaluhan ng mga lider mula sa mga pangunahing miyembro ng grupo at mga bagong kaanib gaya ng Egypt, Ethiopia, Indonesia, Iran, at United Arab Emirates (UAE).
Ayon sa ulat, nasa 30 pang bansa ang nagpapakita ng interes na sumali sa BRICS, sa gitna ng lumalawak na panawagan para sa mas balanseng pandaigdigang kalakalan.
Sa kanilang pinagsamang pahayag, binatikos ng BRICS ang tumataas na taripa na ipinatutupad sa kalakalan sa buong mundo, at muling iginiit ang kahalagahan ng multilateralism. Ayon kay Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva, ang BRICS ay nagsisilbing tagapagmana ng Non-Aligned Movement noong Cold War.
“BRICS is the heir to the Non-Aligned Movement,” ani Lula. “With multilateralism under attack, our autonomy is in check once again,” dagdag pa nito.
Hindi naman idinetalye ni Trump kung aling partikular na mga polisiya ng BRICS ang tinutukoy niyang laban sa Amerika. Inaasahan ding magpapatupad siya ng mas maraming retaliatory tariffs sa Hulyo 9 kung mabibigo ang kasalukuyang negosasyon sa kalakalan.
Samantala, inaasahang bibisita sa Washington ang economic minister ng Indonesia upang pag-usapan ang isyu ng taripa, habang nananatiling tahimik ang India sa usapin.